Bitcoin ba kamo?'s avatar
Bitcoin ba kamo?
bitcoinbakamo@iris.to
npub1svhm...jk0z
Intindihin natin ang bitcoin. (Let's understand bitcoin, in Filipino.) https://bitcoinbakamo.xyz
Tala Ukol sa 'Pagmimina' ng Bitcoin Ang dami ng bagong bitcoin na namimina ay may hangganan. Kulang-kulang dalawampu’t isang (21) milyong bitcoin lamang ang pwedeng mamina bilang insentibo. Sa ngayon, malaking porsyento ng 21 milyon ay namina na. Ito ay dahil dinisenyo ang programa kung saan ang dami ng bagong bitcoin na binubuo ay nangangalahati kada 210,000 blocks (halos 4 na taon). Nagsimula ito sa 50 bitcoin na papremyo kada block. Tapos nangalahati sa 25, tapos 12.5, atbp. At itinakda na animnapu’t apat (64) na beses lamang pwede kalahatiin ang pag-isyu ng bagong bitcoin. Kaya balang araw (sa taong 2140), titigil na ang pagbuo ng bagong bitcoin. Lilipas rin ang ‘pagmimina’. Sa panahong iyon, ang insentibo o premyo ng mga sumasali sa proof-of-work ay mula na lamang sa transaction fees. ---- Mag-ambag ng mga kaalaman sa bitcoinbakamo.xyz
Sa Notrgram.co naman ako hindi makakita ng updated Notes! Maka post kaya ako dito sa Snort?
Ang Galing ng Proof-of-Work Para mapanatiling bukas at decentralized ang Bitcoin, may kompetisyon ng paghahanap ng solusyon sa isang problemang matematika. Kasama ito sa trabaho na ginagawa bukod sa pag-aayos ng isang block ng mga transaksyon. Kung sino man ang mauna na mapapakalat sa mas nakararami, ang kanyang block ang tatanggapin ng network. At sya rin ang bibigyan ng premyo sa anyo ng bagong bitcoin, at mga fees. Ang prosesong ito ay gumagamit ng enerhiya, na may katumbas na gastos sa kuryente. Ito ang proof-of-work. Dahil sa insentibo na bagong bitcoin, hinahalintulad ang proof-of-work sa pagmimina, tulad ng ginto. Matrabaho at magastos ang pagmimina ng bagong ginto, diba? Ganun din sa bitcoin, kelangang may trumabaho para dito. Ang boluntaryong pagtratrabaho (na may gastos) para sa pag-asang kumita ng bitcoin ang nagpapanatili ng seguridad ng bitcoin. Kapag mas maraming sumasali sa network, mas tumataas ang seguridad. Sa pagtaas rin ng seguridad, ay humihirap ang problemang matematika. Kapag may karagdagang sumasali o kaya may mga mas malakas na processors na sumama sa network, bibilis ang paghahanap ng solusyon. At dahil gusto ng network na kontrolado ang pag-isyu ng bitcoin at maging patas ang labanan, dapat humirap ang problema para mapanatiling 10 minuto ang tagal kung kailan magkakaroon ng bagong block. Kabaliktaran naman ang mangyayari sa pagsusuri kapag biglang nabawasan o humina ang processing power sa network: dadali ang problemang matematika. Ang pagsusuring ito ay nagaganap kada 2,016 na bloke, o dalawang linggo. Ang galing ano? Hindi lang ang paglilinya ng mga bloke ang nagpapanatili ng seguridad sa transaksyon. Ang kontroladong bilis ng timestamp at ang insentibong kumita na nag-iimbita ng mga boluntaryo ay nagreresulta sa isang matatag na network. Para bang may sarili itong buhay. At ang tibok ng puso nito ay kada 10 minuto.
Blockchain: ang resulta ng Timestamp Server Ang mga transaksyon sa Bitcoin ay inaayos sa anyo ng blockchain. Bawat bloke o block ay may kapasidad, at kung ano ang kasyang transaksyon dito ay sinasama ng mga nodes (mga computer na kasali sa network). Bawat bagong block na nabubuo, ay may koneksyon sa naunang block, parang kadena, kaya blockchain. Ang kadenang ito ng blocks at mga transaksyong laman ng bawat isang block ay bukas sa lahat at pwedeng silipin kahit kelan. Ito ang distributed ledger ng Bitcoin network. Ang terminong blockchain ay hindi nanggaling sa bitcoin white paper. Ito ay ipinangalan ng iba. Ang deskripsyon ng mekanismo ay matatagpuan sa ikatlong (3) seksyon ng white paper: Timestamp Server. Inilarawan dito na ang timestamp ginagawa sa pamamagitan ng pag-hash ng mga nilalaman ng bloke at ng hash ng naunang block. Kaya bawat bloke ay may marka ng nauna rito. Sa bawat karagdagang timestamp, mas lalong tumitibay ang kaganapang mga transaksyon sa mga unang timestamp. Masasabing ang distributed ledger, na tinatawag na blockchain, ay ang timestamp server din. Time chain? May mga usap-usapan sa komunidad na mas naaangkop ang terminong iyon kesa blockchain. Subukan nating palawakin iyon sa susunod. Siya nga pala, ang hash ay isang kasangkapan sa kriptograpiya. Pag-uusapan natin iyon sa hinaharap. (Kasalukuyan akong natatagalan sa pagsulat ng kabanatang iyon). Ang network ng bitcoin ay nakadisenyo kung saan sa loob ng katampatan/average na 10 minuto, may nabubuong bagong bloke. Bakit kailangan pang kada 10 minuto? Dahil ito sa mahalagang sangkap ng bitcoin: proof-of-work. Dito mas mailalarawan ang block chain.
Decentralized na, peer-to-peer pa, distributed din Kapag ang network ay tumatakbo nang walang pinagkakatiwalaang awtoridad (central authority), ito ay decentralized. Tumatakbo itong peer-to-peer kapag ang bawat computer na kasali sa network ay pantay-pantay (peers o magkapwa kumbaga). Parang sa botohan, pantay-pantay ang bigat ng boto ng bawat isa. Ang pagpasa-pasa ng impormasyon ng mga magkakalapit sa network, sa iba-ibang direksyon parang lambat, ay nagpapamalas ng distributed na kalakaran. Alam mo ba ang BitTorrent? Popular ito noon. At aminin, maaring alam mo ito dahil sa mga piratang pelikula na pwedeng ma download. Kung nakagamit ka ng BitTorrent, naging parte ka na ng isang peer-to-peer na network. Kung ang lahat ng konektado sa network ay Reference Client – kung saan ang bawat kompyuter ay kumpleto ang sangkap na tungkulin – magreresulta na ang Bitcoin Network ay talagang peer-to-peer at distributed. Lahat may tsansa makabuo ng block at makakuha ng premyong bitcoin. Lahat ay nagpapasahan ng impormasyon at may kapangyarihan tumanggap o tumanggi. Lahat ay may kopya ng pampublikong ledger – ang kasaysayan ng mga transaksyon sa anyo ng blockchain. Subalit hindi lahat ng kompyuter atbp. devices ay reference client. Hindi lahat ay nagiging ruta ng impormasyon, o kaya nagmimina. Kaya masasabing decentralized ang network. Ang produksyon ng bagong block ang importanteng trabaho na nagbibigay ng insentibong bitcoin. Ito ay nakadisenyo na isang kompetisyon, kahit sino pwede manalo. At sa aspetong ito kung tutuusin, decentralized ang network, mapalahat o iilan lang ang sumasali sa produksyon. Sa isang banda, pag may resulta nang bloke, ito ay pinapakalat at magiging parte na ng blockchain. Sa kontextong ito, distributed ang network. Distributed ang pagkakaroon ng kumpleto o kahit bahagyang impormasyon. Sa transaksyon naman, peer-to-peer talaga ang bitcoin. Ito ay dahil ang dalawang partido lamang ang kelangan para magbayaran. At ang pagkakabilang sa distributed ledger na ang magpapatunay at magsisigurado ng kanilang transaksyon. Walang awtoridad na pwedeng bumawi nito. Kontrol ng isa o ilan lamang – iyan ang iniiwasan ng Bitcoin. Ayan nga ang problema sa salapi ngayon. Ang dapat na pinagkakatiwalaang awtoridad ay hindi mapagkakatiwalaan. Maaari pang manghimasok sa transaksyon ng 2 partido. Hay, ito ay ibang usapan pa na lalaktawan muna natin. Kaya ang bitcoin ay idinisenyo kung saan walang sinasanto. Ipinagpapalagay na kahit sino pwedeng gumawa ng mali. At ang intensyonal na paggawa ng mali ay mahirap at hindi praktikal, kaya mas mainam nang makisama nalang sa lahat.
Bukas: 2 kontexto Bukas para sa lahat ang Bitcoin. Hanggat walang pumipigil sa iyo, maaari mo itong gamitin, kahit nasan ka man sa mundo. Subalit sa paglaon, habang lumalawak ang network ng bitcoin at nagiging lehitimong karibal ng tradisyonal na salapi, may mga bansang nagbabawal na nito. Bilang bagong salapi, ang pagiging bukas ay isa sa rebolusyonaryong katangian ng bitcoin. O sabihin nating, ibinabalik ng bitcoin ang nawalang katangian na ito ng pera. Walang pakialam ang bitcoin sa nasyonalidad mo. Walang bakuran, walang teritoryo itong kinikilala. Pwedeng maghanap ng pampigil ang ibang soberanya. Pero alam naman natin na ang Internet ay mahirap pigilan. Magpasa ako ng bitcoin sa katabi ko, o sa kakilala ko sa ibang bansa, ganun pa rin ang transaction fees na mababawas sa akin. Walang karagdagang bayad dahil sa mga cross-border at bank-to-bank na mga transaksyon. Isa pang kontexto ng bukas, ay ang tinatawag na open source. Open source ay gamit sa mundo ng computer science at programming para sa mga proyektong hindi sinisikreto. Ito ay upang makapag-ambag ang sino mang gustong tumulong gawin, ayusin o pagandahin ang isang programa. Ang ‘source code’ ng bitcoin ay maaaring makita ng kahit sino. Pumunta ka lang sa GitHub, halimbawa. Bilang open source na programa, mas mapapaigting ang seguridad ng bitcoin network dahil maraming nagtutulong-tulong para mapanatili ang operasyon nito. Mahalagang katangian ng bitcoin ang dalawang kontexto na ito ng bukas. Bilang pera na katutubo ng internet (native internet money), dapat lang na ganito. Hindi masaya ang internet kundi dahil sa walang katapusang pagpapalit-palit ng ideya, hindi ba?
Walang pisikal na pinagmulan o pinagbasehan ang bitcoin bilang salapi. Ito ay nabuong impormasyon mula sa elektrisidad, na nagpatakbo ng mga computer na kasali sa pagpapanatili ng seguridad ng network. Ang ideyang ito ay pawang mahirap tanggapin ukol sa Bitcoin, na maaring maging hadlang sa pag-intindi nito. Electronic na salapi, iyan ang Bitcoin. Hindi basta masabi lang na electronic ito ha. Yung karaniwan ngayon na gumagamit ng debit card, Internet banking, pero naka-angkla pa rin sa ideya na may pisikal na kaanyuan ang mga “pera” na nilalaman ng iyong account? Hindi lang ganun ang Bitcoin. Ito ay purong electronic. Sa susunod na kabanata ng aklat na binubuo sa website na ito, palalawakin natin ang diskusyon. Kaya isa sa mga mahahalagang katanungan para maintindihan ang Bitcoin ay: Ano ba ang pera?
My 2 cents in describing bitcoin: Bitcoin is a technology of money that is purely electronic, uses cryptography, open to all and running in a decentralized and peer-to-peer manner without a trusted authority. This is achieved by maintaining a public history of transactions in the form of a blockchain, built using proof-of-work, that provides incentives to anyone that successfully works in forming a new block. Any suggestions for adjustments?
Ang Bitcoin ay isang teknolohiya ng pera na purong electronic, gumagamit ng cryptography, bukas para sa lahat, at tumatakbong decentralized na peer-to-peer nang walang pinagkakatiwalaang awtoridad. Ito ay nakakamit sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pampublikong kasaysayan ng mga transaksyon sa anyo ng blockchain, gamit ang proof-of-work, na may kalakip na insentibo sa mga gustong sumali. Sa madaling sabi, hindi sya ganun ka simple. Himayin natin ang mga nabanggit na paglalarawan ng Bitcoin, na napapaloob sa Kabanata 1 ng Sa mga susunod na kabanata, isa-isa natin silang palalawakin pa.
(Testing) Maaaring narinig mo ang Bitcoin bilang mabilisang paraan para kumita ng pera. Isa iyon sa mga bagay na narinig ko nung una. Buti nalang ako ay may duda sa mga taong napakinggan kong nagsabi noon. Aaminin kong nakakapukaw talaga ng interes ang pera. Buti na lang rin ay may prinsipyo nako sa pamumuhunan sa stocks. Hindi ako day trader. Kaya bago ako nagtingin kung paano magkaroon ng Bitcoin, nagsaliksik muna ako ng mga impormasyon ukol dito. Syempre salamat sa Google. Kung makasabi naman ako ng saliksik akala mo nagpunta ng library! E mas marami nga akong pinanood na Youtube videos kesa binasa. Di nagtagal eh nabasa ko ang Bitcoin White Paper. Hindi ko pa sya talaga naintindihan ng buo, subalit sa pagkakataong iyon, naisip kong hindi lang basta-basta ang Bitcoin. At ito ay pangmatagalan, kaya hindi ko dapat palagpasin ang pagkakataon.